Doctorate at La Salle
Nag-doctorate ako sa La Salle. Ang dami kong kaklaseng Intsik.
Apelyidong Uy, Lim, Tan, Co, Go, Chua, Chi, Sy, Wy, at kung anu-ano
pa. Pero sa kanilang lahat kay Gilbert Go ako naging malapit.
Mayaman si Gilbert kaya mangyari pa, madalas siya ang taya sa tuwing
gigimik ang barkada.
Isang araw na-ospital ang kanyang ama. Sinamahan ko siya sa pagdalaw. Nasa ICU na noon ang kanyang ama dahil sa stroke. Naroon din ang ilan sa kanyang malalapit na kamag-anak.
Nag-usap sila. Intsik ang kanilang usapan…. hindi ko maintindihan.
Pagkatapos
ng ilang minutong usap-usap, nagkayayaan nang umuwi. Maiwan daw muna
ako at pakibantayan ang kanyang ama habang inihahatid nya ang kanyang
mga kamag-anak palabas ng ospital. Lumipat ako sa gawing kaliwa ng
kama ng kanyang ama para ilapag ang mga iniwan nilang mga gamit na
kakailanganin ng magbabantay sa ospital. Nang akmang ilalapag ko na ay
biglang nangisay ang matanda.
Hinahabol nya
ang kanyang hininga… Kinuyom nya ang kanyang palad at paulit-ulit
siyang nagsalita ng wikang intsik na hindi ko maintindihan.
"Di
ta guae yong khee….. Di ta guae yong khee… Di ta guae yong
khee.. paulit-ulit nya itong binigkas bago siya malagutan ng hininga.
Pagbalik
ni Gilbert ay patay na ang kanyang ama. Ikinagulat niya ang pangyayari
ngunit marahil ay tanggap na rin nya na papanaw na ang kanyang ama.
Walang tinig na namutawi sa kanyang bibig. Ngunit iyon na yata ang
pinakamasidhing pagluha na nasaksihan ko.
Nagpa-alam muna ako, dahil siguradong magdadatingin uli ang kanyang mga kamag-anak.
Sumakay ako ng taksi pauwi. Habang nasa
taksi.. tinawagan ko ang iba pa naming kabarkada. Una kong tinawagan
si Noel Chua. Tinanong ko muna kay Noel kung ano ang ibig sabihin ng "Di ta guae yong khee".
"Huwag mong apakan ang oxygen," sagot niya. "Bakit saan mo ba narinig ‘yan?"
